Biyernes, Hunyo 27, 2014

MANALIG at MANIWALA ka





Mahigpit na hawak ng dalawa kong kamay ang kanyang kanang kamay, sabay bulong sa kanya, "Kailingan mong magpakatatag, ang dalawa mong magagandang anghel at napakaganda mong asawa ay sapat ng dahilan, para magpatuloy kang lumaban sa buhay at patuloy na humakbang! Manalig ka at maniwala na may himala, gagaling ka! Jp ang takbo ko sa katapusan (Hunyo 29, 2014 Soleus Valley Trail), ay iaalay ko sayo, bilang patunay na hindi ka dapat susuko sa kahit anong hamon ng buhay."




Kap JP
Sapat ng mga salitang iyon, at bigla siyang lumuha, kinapitan niya ng mahigpit ang aking mga kamay, "Salamat Pre... Salamat ... " at tuluyan na siyang lumuha at umiyak, tinakpan ng labakara ang kanyang mukha. Bago ko tuluyang bitiwan ang kanyang mga kamay, sinabi kong maging positibo lang siya sa lahat ng bagay, nandiyan ang maalaga at napakabait niyang Nanay, si Kap Jackie na kanyang matalik na kaibigan, at mga kaibigan na patuloy na nagdarasal at sumusoporta sa kanya. Magdasal lamang, kaakibat ang pananalig at paniniwala, walang imposible sa lumikha, humiling lang tayo manalig at maniwala.



Para sa bagong kaibigan ang buong nilalaman ng sulat kong ito. Naway magsilbing bitamina mo o dagdag enerhiya sa pang araw-araw na pakikipag laban sa kalagayan mo ngayon. Alam kong gagaling ka! Para Sayo ito Kap JP...



Hunyo a-onse dos mil katorse, miyerkules, pagkalabas ng alas siyete ng umaga (7:00am) buhat sa trabaho sa Ortigas, inaya ako ni kap Jackie, na dumalaw sa kanyang kaibigang bundokerong may karamdaman, kasama niya sa mga adbentyur niya, climb buddy po niya sa ibat ibang kabundukan. Unang pagkakataon ko lang po siyang makikita at makikilala, si kap John Paul o JP, atlong taon napo niyang nilalabanan ang sakit ng Colon Cancer, na nasa Stage 4 na po sa ngayon.

Halo ang aking pakiramdam ng sabihin sa akin ni kap Jackie na matagal ng nakikipag laban sa kanyang karamdaman si JP, nalulungkot ako hindi dahil sa sakit niya, kundi dahil sa sinabing nawawalan na siya ng pag-asa at gusto ng mag pahinga. Alam kong hindi ko ramdam ang nararamdaman niya at pinagdaraanan, ang batid ko lang ay lubos siyang nahihirapan at pinang-hihinaan ng kalooan.


kalbo, jackie at jp
Pagdating sa kanilang tahanan, sa COA, magiliw kaming sinalubong ng Nanay niya, may pasalubong kaming pakwan, para sa kanila. Binati ang kanyang dalawang anghel, na napaka ku-kyut, diretso sa silid ni JP na nakahiga sa lapag na may de-kutson. Naunang pumasok si kap Jackie, nakangiting sambit, "Oh bakit ka umiiyak? Ano kaba?" . Sagot ni JP habang lumuluha, "hindi ko na kaya, nahihirapan na ako". sabay punas ng kanyang labakara sa mukha. Ibinigay ko ang pagkakataon sa kanilang dalawa, pinakilala din ako, at kinamayan ko siya, nakiramdam ako, ilang minuto din akong nag mamasid, pinapanood ang kanyang mga anghel na paikot ikot sa amin, naglalaro at buong giliw na kinukulit ang kanilang Papa. Nagulat ako at matagal na nagmasid, nakikiramdam at nakatitig sa bawat pangyayari, hanggang dumating ang kanyang maganda at masayahing asawa, napakalambing niya, napaka masikaaso, di mo siya kakikitaan ng panghihina o kalungkutan. Napaka swerte mo Kap JP.

Mahaba ang usapan, nagsabay sabay kaming kumain ng almusal, maraming prutas ang nakahain sa lamesa, buhat pa sa Davao, akay-akay siya ng kanyang asawa papunta ng lamesa, napakasarap na salo salo at kainan, walang dahilan para malungkot at panghinaan.

Pag tapos kumain, nagligpit, inihatid ulit sa kanyang kwarto si JP, patuloy ang kwentuhan, nag tanong si kap Jackie bakit daw ako tahimik, akoy ngumiti lang, ng papaalis na kami, nilapitan ko si Jp at nagpaalam, hinawakang mahigpit ang kanyang mga kamay at at ako ay may tinuran.
Soleus Valley Trail Challenge, Nuvali Trail


Para sayo ang takbo ko, kap JP ngayong linggo. Gagawin ko ang lahat, para matapos ko ito ng magandang oras, papasok sa cut-off na sampong Oras. Ipapakita ko sayo na hindi ka dapat mawawalan ng pag-asa sa ano mang pagsubok at hamon sa Buhay.

Ito na ... Sa Nuvali , Sta.Rosa Laguna, 50K Valley Trail Challenge, unang pagkakataon kong tumakbo ng 50km.
Salamat sa poong may kapal sa patuloy na lakas at patnubay na pingakakaloob niya sa akin, sa mahal ko sa buhay at mga kaibigan.

Isinilang na ang Team Maranat Trail Runners (TMTR).

Para sayo po ang lahat....

Hangang Sa muli . . .

qlyyanina