Biyernes, Enero 30, 2015

YOLANDA: TACLOBAN pa-GUIUAN E.SAMAR




Salamat sa Diyos...



YOLANDA: Tacloban, Pa-Guian Eastern Samar, preparasyon ng pagtulak pa Eastern Samar, ang nakakalungkot na Mukha Mula Tacloban biyahe patungong Guian Eastern Samar. Pag bibigay kahit papaano ng konting Pakete sa mga nadaraanan, mahal sa buhay ng isang miyembro sa Team at iba pa.



Ikatlong Kabanata;




Tent na Pinahiram ng PRC-Albay Chapter
Ika-anim na araw, Nobyembre a-bente, dosmil trese, miyerkules. Ganap na alas singko kwarenta ng hapon ng maka daong sa pantalan ang aming Gabara, napagbigyan din ang Clearance mula sa PPA (Philippine Port Authority). Halos apat na oras po kami nag hintay para mapahintulutang makadaong.

Eksakto alas siyete ng gabi, nag diskarga napo kami ng Trak at mga Kalakal para maihanda na ang lahat, sinalubong po kami ni "Sweeny Del Pilar ng GMA - 7", para maki pag coordinate, hinarap na po siya ni Sir Jonnel, ng maibaba na ang lahat ng pakete, nag hahanda na kaming lumabas ng pantalan, alas otso ng gabi na kami natapos, ng mga panahon na iyon, may Curfew sa buong lugar, hinuhuli ang sinumang nasa labas ng bahay pagtungtong alas sais ng gabi, kinakailangan ang lahat ay nasa kani-kanilang bahay ng mga oras na iyon hangang kinabukasan ng alas sais ng umaga, kinakailangan kaming samahan ng pulis o militar sa patutunguhan naming pahingahan, wala pang ilaw at animoy ghost town ang buong Tacloban, nakakabinging katahimikan... Iwas nadin sa laganap na nakawan o pagdambong (loot) ng mga panahon na iyon, kaya ilang mga Mall's, Supermarkets at Groceries ay pinasok at ninakawan at iba pang istablisyemento, pantawid gutom lang . . .


International Red Cross and red Crescent - Aming tinuluyan sa Tacloban

Alas Otso medya ng gabi, dumating na ang Grupo sa Leyte Park Resort, para mag set up ng Camp at ng makapag pahinga nadin, mula sa haba ng biyahe at pag didiskarga ng mga pakete. Sa tulong ni Sir Raymond Reynaldo - Philippine Red Cross - Albay Chapter, isang panibagong anghel na umampon sa amin, kwentuhan at humingi ng update sa aming daratnan at makikita para sa araw ng bukas, at ang lugar mismo na kinalalagyan namin.


Leyte Park Resort
Sinamantala namin ang pag kakataon ng panahon na iyon dahil may signal pang nakikita sa aming mga cellphone, dali-dali naming itineks ang mga mahal sa buhay sa Manila, at ng maipaalm sa kanila na ligtas ang grupong nakarating sa Tacloban, at handa na sa bakbakan... Naikwento ko sa mahal kong ina, na nasa Leyte Park Resort kami, na sinasabi niyang isang napakagandang Park Resort daw ito, nag bibigay kulay sa buong Tacloban, maraming mgagandang pasyalang, mga banyaga at iba pa... 
Nakakalunkot isipin na sa ganung oras, tanging liwanag ng buwan ang umiilaw sa aming daanan, maaninag mo ang wasak na lugar ng kapaligiran, maluha luha ako ng sabihin ng mga guwardiyang umeskort sa amin kung hangang saan umabot ang tubig , at itinuro niya ang lugar kung saan bundok-bundok na mga wala ng buhay na katawan ang kanilang nakuha, hangang sa araw na dumating kami, marami pang natabunan sa lugar na hindi pa nakukuha, malapit sa aming pinapahingahan.



Mga Istablisyementong buhay na buhay pag gabi - - - Dati!
Leyte Park Resort

Ika-pitong araw na ng aming Operasyon, webes ika pito at kalahati ng umaga, hinati ang grupo sa dalawa, sinurbey ang mga napinsala at maghatid ng mga kalakal na lunas para sa Pamilya at mahal sa buhay ng kasama naming sina Vanessa at Joel. Nakasama namin sila Sa Naga pa, ipinakilala sa amin ng Officer na humahawak ng Relief Operation sa Naga, mayroon silang pamilya na nasalanta sa tacloban na halos isang linggo na silang walang balita, nakiusap na sumama sa grupo namin sa pagpunta sa tacloban, bilang kapalit tutulong daw sila sa Repacking na ginagawa namin ng mga panahon na iyon, wala po kaming dalawang isip na tinangap sila, sa pangunguna ng Team Leader naming si Sir Jonnel Lacaba. Isang inspirasyon at tulong pa lalo sa grupo ang kanilang pagdating, hindi mo sila kakikitaan ng panghihina, habang walang humpay na trumatrabaho ang Grupo sa Repacking, karga dito, karga doon na sistema ng grupo. Dama namin ang pag alala nila, pero hindi mo sila kakikitaan ng pagod, mas lalo kaming ginanahan.

Team 1 - Sa Lugar ni Vanessa, sa Brgy. 23, Salazar St. Magkakasama kami nila Tzad, Lito, Hadil, Van at ako.
Team 2 - Sa Lugar ni Joel, sa Brgy. 76, Fatima Village. Magkakasama sila Erwin, Roger, Toto at si Joel.






Habang nilalakad ang kalye ng tacloban, patungo sa lugar ni Van.




Ang Tall Pack na bitbit namin ni Tzad, ay tinanggalan ng gamit at pinuno ng mga Tulong pakete na maibibigay sa mga Mahal sa buhay ni Van, partikular sa kanyang Ama at mga kapatid, habang nilalakad namin ang kalye ng Tacloban, patungo sa lugar nila, wala ng tigil ang pag-luha ni Van, nag aalala siya sa maari niyang datnan, pinuno namin an bitbit naming Pack ni Tzad, maliban sa mga bitbit namin sa kamay, si Lito at Hadil ay may kanya kanya ding bitbit, masakit man ang balikat at paa dahil sa mabigat at mahabang lakaran, hindi po namin ito inalintana, mas minabuti naming tuntunin ang lugar ng pamilya ni Van.  Bilin sa amin, mag bihis pambahay lang, itago ang pagkakakilanlan, iniiwasan po namin ang makulapol o dumugin ng tao, gawa ng limitado ang bitbit na pakete, naka tuon lamang sa pamilya ni Van.



Paakyat sa Bahay ni Van
Inabot kami ng apatnapung minuto ng matunton na namin ang lugar nila at ang iskinitang papasukin, dikit-dikit at wasak na kabahayan, gawing kanan ang bahay nila, na may tatlong palapag, wari nasa yungib sa dilim, masikip at mainit, dumeretso akyat kami sa ikatlong palapag, nasa itaas ang kanyang Tatay, at pitong mas nakababatang kapatid. Ibinaba na namin ang mga dala naming pakete, para sa pamilya niya, nakakalungkot ang nakita ng aming mga mata, pero kailangan tangapin at unawain ang bawat kalagayan. Namamaga ang kaliwang tuhod ni Tatay, gawa ng pagtama sa semento. Nang tumaas ang tubig, habang hatak-hatak ang nakatali niyang mga kapatid, nag palundag lundag sila sa bubong ng kapitbahay . . . 
                                           


Nasayang na Sako-Sako ng Bigas, at mga kagamitan.



Tacloban City
Naisip ko tuloy, nasa ikatlong palapag na sila ng bahay, lumabas sa bintana at lumundag pa sa bubong ng kapitbahay, ganun kataas ang tubig!!! Salamat nalang sa mga gusali at malalaking istablisyemento sa Town Proper ng Tacloban, na nag silbing wave breaker, ng tuluyan ng tumaas ang tubig, kasi kung hindi mas maraming buhay ang nawala. . . "Tatay paano niyo po nahila ang mga anak niyo at paano kayo nakalundag?". "Di ko na alam dong, basta hila-hila ko ang mga "nakataling" kapatid ni Van, makaligtas man lang, tumama yata sa semento ang tuhod ko." Nakabalot ng puting goodmorning na labakara ang namamagang tuhod ni Tatay, na halatang hirap na hirap kumilos at maglakad.

Kasabay ang pagluha ni Van, ini-abot namin ang mga gamot na dala namin, mga pagkain, at dagli na po kaming nag-paalam at bumulong ng dasal na magiging maayos ang lahat! Kailangan nadin po naming tumulak sa destinasyon. Sa kabilang banda, sa lugar nila Joel, naging maayos at ligtas din ang pagsilip at pag papaabot ng tulong sa kapamilya niya. 

                                         Fatima Village:


Maputik, wasak at magulong kapaligiran sa lugar nila Joel.


Hindi Bale nang maraming kalat, basta ligtas naman ang bawat isa sa amin - Joel


Tahanang Kinalakihan ni Joel (bahay sa kaliwa), nakababatang kapatid niya ang batang naka sandong puti.

 Ganap na alas diyes ng umaga, nabuo at nag pangkat muli ang Grupo, sa Tacloban City Capitol Building, Si Lito ay humilay na, at tumuloy ng Palo Leyte, para ituloy ang pag hahanap niya sa kanyang mga kapatid at kapamilya, pina-baunan siya ng Grupo ng mga pakete, gamot at iba pang magagamit ng mahal niya sa buhay, naway makatulong kahit papaano.




ako po ung naka pulang short, bumulong ng dalangin
"Isang lingo ko na po di nakikita ang mga anak ko, ung bunso lang kasama ko, hindi pa po kami nakain, nauuhaw na kami. . ." Isang matandang babae, lumuluhang lumapit sa amin, at humihingi ng tulong, agad na inabutan ng tubig at pagkain ang matanda, dagli siyang umalis para ibigay sa kanyang bunso ang kanyang nakuha.

Tuluyan na po naming nilisan ang Tacloban City, alas diyes medya, para sa mahabang biyahe patungong Guiuan Eastern Samar. Naghihintay ang aming Lead Team na sina Daryl Comagon, Karmi at Chaym. Sila ang nag silbing mata namin sa lugar na madaratnan namin, gabay sa mga daraanan at masusumpungan. Naabutan na kasi sila ng Bagyo, habang pina-padyakan ang Kabisayan, tutal nasa area naman sila, sila ang nagsilbing mata ng grupo, saka sila sinamahan ni Chaym, na galing pa ng Cebu. Magsasanib pwersa na po ang Grupo, ilang oras nalang. Ilang araw narin silang naka himpil sa Guiuan, inalam ang mga detalyeng dapat malaman.


Tacloban City Capitol Building
Tacloban City Capitol
                                   
"ITIGIL" daw ang Flag Ceremony, hehe


Bahagyang bubuksan ang isang pinto sa likod ng Trak na dala namin, para sa aming hangin, maging handa daw kami sa mga sasampa at magpupumilit na umakyat ng Trak, napapabalitang maraming nang haharang ng mga Relief Trucks, sa mga bayang maari naming daanan, hindi hihinto ang sasakyan kahit anu mang mangyari kaya, naging alisto po kami, ang bitbit naming pakete ay sa Isla Homonhon, sa Guiuan Eastern Samar, halos nakatuon, gawa ng report na nakuha namin, kulang na kulang daw at halos wala ng maipamahagi doon. Bumulong ng dasal ang Grupo, na patnubayan ang aming biyahe at panatilihiin kaming ligtas sa aming daraanan at patutunguhan.  



Mga Ala-una medya ng hapon, unang hinto 
ng Trak, sa Balangiga, Eastern Samar. Sandali naming sisilipin at babagsakan ng Paketeng tulong ang lugar ng Mother Side ni Van, na kung saan naroon din ang nag iisa niyang anak, at ang kanyang mahal na Ina. Sa Trak palang ay wala ng humpay ang pag luha ni Van, kagaya sa kanyang Father Side sa Tacloban, isang linggo din siyang walang balita sa kanila. Nanlumo ako sa aming nakita pag baba palang ng Trak, kasama ko si Tzad at Joel, pinangungunahan ni Van ang daan. Nakatingin lahat ng tao sa amin, pag baba sa Trak, wasak na kapaligiran, kalunos lunos na tanawin ang aming nasilayan, nakatitig sa aming mga dalang pakete na ipinilit isik-sik sa mga Bag ang bawat madaanang kumpol ng tao. Patuloy ang pag luha ni Van, habang binabagtas namin ang iskinitang papunta sa kanila, tanging salitang nabanggit niya ay, "barongbarong lang kasi ang bahay namin, sigurado walang natira doon, saka ang anak ko kawawa naman."  Matagal na akong natigil sa pag sisigarilyo, ngunit ng makita ko ang lugar na kinatitirikan ng bahay nila Van, at ng buong Balangiga, nanginig ang katawan ko at napa yosi ako ng wala sa oras, bagamad hit-hit buga lang, napalunok ng malalim at nagilid ang luha...







Balangiga Elementary School


Mga tanawin na masisilayan mo habang papunta ka sa lugar nila Van. Isang malakas na boses mula sa kapitbahay nila Van ang umalingaw-ngaw, "Neng si Vanessa nandito, galeng pa ng Maynila!" . Luoban na dikit-dikit na kabahayan, na tanging makikita mong bubong ay ang nag iisang lamesita... Inakala kong parte lamang ito ng isang malaking kabahayang tinangay o nilipad ni Yolanda. Ngunit iyon na lang pala ang natira sa Bahay nila at wasak na sahig. Lumuluhang sinalubong siya ng kanyang mahal na Ina, at mahigpit na yakap ang ibinigay... "Nawala na ang bahay natin eh, wala din kaming makain dito, hindi sapat yung mga pinamimigay nila, hindi kami halos ma-ambunan!", lumuluhang hinaing ni Nanay. Hinanap kaagad ni Van ang matagal ng hindi nakikitang anak, ngunit wala ito ng mga panahon na iyon, maaring naglalaro daw sa labas o nakapila sa mga relief operation na nagaganap sa ibang parte ng Balangiga.



Mabilis dumami ang tao na nakapalibot sa amin, ng makitang ibinaba namin ang mga paketeng dala-dala, naway sapat na iyon, para sa susunod na darating na pakete, tubig, delata, bigas, no cook noddles, mga gamot, banig at iba pa. Nagbilin kami kay Nanay na siya na bahala magbigay sa kapit bahay o iba pang kamag-anakan, masyadong limitadong oras lamang ang ibinigay sa amin, kaya kinakailangan na naming lumarga, bago pa kami ma-bubuyog ng tao. Nakakalungkot lang isiping hindi niya nasilayan ang kanyang mahal na anak, at labis pang nag pa luha sa kanya ng makitang, ang lamesita lang ang nag sisilbing bubong na tulugan ng anak niya pagkagat ng gabi. Mabigat man isipin pero kailangan na naming umalis, kahit mabigat sa puso ni Van, kailangan ng tumulak, nagbilin na lamang sa mahal na Ina, na yakapin at hagkan ang mahal na anak para sa kanya, at nangakong pagkatapos ng Operasyon namin sa Guiauan Eastern Samar, babalikan sila at mag sasama-samahin sa iisang bubong kasama ng kanyang Ama at mga kapatid sa Tacloban.


Sa bahagyang ispasyo ng pinto sa likod ng Trak, sapat at nagkasya kaming siyam, sa harap dalawa pangatlo ang driver, armado ng kahon na pan taboy sana kung meron mang magpupumilit umakyat ng Trak, ngunit kabaligtaran ang nagyari. Habang nasa biyahe binabagtas ang ibat ibang bayan patungong Guiuan, naghari sa amin ang awa at kagustuhang makatulong. Isinalya sa nakasaradong pinto ang kahon kahong Cheese Cake at Choco Cake, kasabay ng kahon kahon di na biscuit flakes at de botelyang tubig. Lahat ng nadaraanan ay nakalahad ang mga kamay, mapa bata, matanda, babae, lalake, maging may kapansanan. Nakakalungkot pagmasdan, di namin kayang walang gawin, kaya nag lalag-lag kami ng mga bread cakes, flakes biscuits at tubig, sa lhat ng nadaraanan ng Trak, ibinabato sa gilid ng kalsada para madali nilang makuha at hindi na makipag habulan sa iba.



Lahat naman ng eksenang nakita ay tumatak sa bawat isa sa amin, wari'y nag kaisa sa mga gagawin, tulong tulong sa pag-abot ng mga kahon, pag ka ubos ng isa pang kahon. Tatlong eksena ang siguradong tumatak sa amin at dumurog, ang una iyong mag kapatid na bata sa gilid ng kalsada na nakalahad ang mga kamay, at ng batuhan namin ng mga tinapay at tubig,tinakbo nila ng ubod ng bilis, na hindi nila namamalayan may may edad na lalaki ang nakikipag unahan sa kanila sa likod, wari sa sobrang gutom talaga...
Pangalawa, iyong naka bisikletang magkapatid na nakalahad ang mga kamay, ng batuhan namin ng tinapay at tubig, dali daling bumaba sa bisikleta, iniwan ito at buong bilis na tinakbo ang binigay namin, na sa kabilang kalsada ay may dalawa pang matanda na nakikipag unahan sa kanila...
Pangatlo, iyong babaeng, buhat buhat ang kanyang baby, wari namin ay mga 1-2 yr old na baby, nakalahad din ang kamay, at ng lag-lagan namin ng tinapay at tubig, buong lakas niyang tinakbo ito na para walang dalang maliit na anghel sa mga bisig, bakit kamo? kasi baka maunawaan ng dalawang lalaki sa likuran niya...




Makalipas ang dalawa at kalahating oras, ganap na alas kwatro medya ng hapon, ligtas at handang handa na sa bakbakan nakarating ang grupo sa Guiuan Eastern Samar, sinalubong na kami nila Kapatid na Daryl, Kap Chaym at Kap Karmi. Agad na nakipag ugnayan sa Local Government ang tropa, para malaman ang detalye. Courtesy Call kay Mayor Christopher Sheen Gonzales.

Ganap na alas singko ng hapon, nakapag set-up na ng Mapagpapahingahan at mapag lalagakan ng Trak, sa panibagong Anghel na umagapay sa amin at umampon, ang grupong CARD Mutual Benefit Association Office
-Pagpalain nawa kayo ng poong maykapal, Maraming Salamat Po...



Team Leader: 
Jonnel Ong lacaba

Team:
Joel Gayoso
Gutierez Grey
Peter John Andaman
Marlon Prudente
Erwin Manes
Angelo Nagara Palomo
Toto Ramos
Omeng Sandoval
*** Grupong Nabuo mula Pasig Hangang Naga City.

* Dagdag sa grupo Mula Naga:
Grace lim ( Vanessa )
Kuya Lito
 - mayroon silang Pamilya na Nasalanta sa Tacloban na buong linggo silang walang balita, nakiusap na sumama sa grupo namin sa pagpunta sa Tacloban, at bilang kapalit tutulong daw sila sa Reapcking na ginagawa namin ng mga panahon na iyon.

Koi Grey - Hindi na nakasama, gawa ng may Karera siya ng Sabado, araw ng pagtulak namin pa-Tacloban. Salamat Kapatid, naipanalo niya ang Karerang nilahukan. Alay Para sa Tacloban.  

si Yolanda - http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoon_Haiyan

Mga Susunod:

YOLANDA: Guian E.Samar patungong Homonhon Island, ang paghimpil ng Grupo ng ilang araw sa Guian E.Samar, ang pagtulong sa amin at pag ampon ng CARD Group na ang layunin din ay ang Tulungan ang kanilang kababayan, pagtulong at paghahanap ng masasakyan pa Isla ng Homonhon!



Para saiyo ito...
qlyyanina@kumander
impinidad